Sa Australya, dalawa ang maaaring pagpilian pagdating sa childcare - ang long day care o centre-based care, at family daycare.
Ano nga ba ang pinakamainam para sa iyo at sa iyong anak?
Long Day care o centre-based care
Nanunungkulan bilang childcare educator at nanny si Grazielle Panteria ng limang taon. Dati siyang nagtrabaho sa isang centre na may 50 na bata. Ayon sa kanya, mas naging strikto na ang industriya ngayon.
Dati, kailangan mo lamang ng Certificate III in Early Childhood Education and Care upang magtrabaho sa centre; ngunit ngayon, may mga centre na kumukuha lamang ng mga educator na may diploma.
Bilang isang nanny, alam ni Ms Panteria ang kagandahan ng one-on-one care; ngunit, saad niya na may mga benepisyo ang pag-e-enroll sa iyong anak sa tradisyunal na childcare centre, gaya ng:

Grazielle Panteria has been working as an educator for five years. Source: Grazielle Panteria
1. Mas maraming oportunidad upang makipag-ugnayan at maging independent
Mas maraming bata sa childcare centre, kaya mas marami ring oportunidad ang iyong anak na makipag-ugnayan sa iba.
“This [socialization] also helps their language skills, their problem-solving, increasing their resilience and independence, and basically their overall development,” saad ni Ms Panteria.
2. Mas may struktura
Mas may struktura sa childcare centre. May lugar, panahon at rekord ang oras ng paglalaro sa loob, paglalaro sa labas, pagtulog, pagpalit ng nappies, at pagkain. Hindi nakabase sa indibwal na kagustuhan ng mga bata ang menu sa centre. Nakabase ito sa nutrisyon at mga allergies ng mga nandito.
Dapat ding banggitin na habang hindi lahat ng family day care centre ay nagbibigay ng pagkain at nappies, kasama na ang mga ito sa bayad sa childcare centre.
3. Detalyadong mga rekord
Kinakailangang detalyado ang mga rekord ng mga bata sa centre. Dapat nakarekord ang mga aksidente at sakit ng mga bata. Tinatago ang mga ito hanggang umabot ng 25 na taong gulang ang mga bata.
4. Access sa kinder na programa
Walang kindergarten at preschool na programa ang mga family day care centre. Sa kabilang banda, may mga kwalipikadong educator sa mga childcare centre na maaring magturo ng mga programang ito.
5. Mas maraming outdoor play
Mas malaki ang outdoor space ng mga childcare centre kumpara sa family day care centre. At dahil mas malaki ang espasyo, mas maraming outdoor play ang maaring gawin ng mga bata.
Kahit ano pa man ang lagay ng panahon, malaking bahagi ng programa sa childcare centre ang paglalaro sa labas.
6. Mas preparado ang mga bata para sa paaralan
Paniwala ni Ms Panteria na maaring mas maging preparado ang mga bata para sa paaralan kapag naka-enroll sila sa childcare centre.
“Eventually, when they go up from the babies room, to the toddler room, to the kinder room...all the skills they acquire from all the activities and all the things that they do - that reflects on the things they can bring [with them] when they start school.”
Family daycare
Isang nanay ng dalawang anak, dating nagtatrabaho si Daisy 'Days' Fajardo sa corporate world. Isang araw, pinagdesisyunan niyang umalis sa kanyang trabaho at mag-aral ng Diploma in Early Childhood Education and Care. Pagkatapos ng kanyang kurso, nagtayo siya ng isang family day care sa Burnside, Victoria, Marso nitong taon.
Ayon kay Ms Fajardo, “One day, naisip ko, “Why shouldn’t I change careers?” Mahirap i-weigh eh. Pumapasok ka everyday tapos ilalagay mo [mga anak mo] sa childcare…I’m not happy anymore sa ginagawa ko everyday.”
Sa tulong ng kanyang asawang si Angelo, nagpapatakbo si Ms Fajardo ng isang family day care mula sa kanilang bahay. Ayon sa kanya, may mga benepisyong nabibigay ang family day care na hindi nakikita sa childcare centre, gaya ng:

Days Fajardo with her sons, Abram and Noah. Source: Days Fajardo
1. Flexible at mas mura
Mas flexible at mas mura ang family daycare kaysa sa centre-based care.
Buong araw ang bayad sa centre-based care, ngunit per-hour ang bayad sa family day care. Umaabot ng mga $8-10 ang bayad per ora sa family daycare. May mga family day care centre din na nag-aalok ng before and after-school care at casual care.
2. Mas relaxed
Dahil sa bahay pinapatakbo ang family day care, may relaxed and pag-aaruga sa mga bata. Mas may laya ang educator na mag-adjust ng mga iskedyul at programa.
3. Mas personal ang pag-aalaga
“Mas individual yung approach kasi continuous ang pakikipag-communicate namin sa parents - kung ano ba yung goals na dapat ma-achieve namin for the child. Like, kunwari, hindi pa siya marunong magbasa, hindi pa marunong mag-ABC, mas matututukan namin sila.”
4. Maaring magsama ang magkakapatid
Sa childcare centre, hinihiwalay ang mga bata ayon sa edad. Sa family day care, magkasama ang magkakapatid kahit ano pa man ang edad nila.
5. Bawas ang exposure sa sakit
“More kids, more germs,” saad ni Ms Fajardo.
Dahil mas kaunti ang mga bata sa family day care kumpara sa childcare centre, nababawasan ang exposure nila sa sakit.
6. Mas malaki ang age range.
Habang ang mga bata sa centre ay kadalasang ay may edad na ilang linggo hanggang limang taon lamang, nag-aalaga ng hanggang 12 na taong gulang ang family day care.
Sa huli, ang pagpili ng pag-aalaga para sa iyong anak ay nakadepende sa iyong mga pangangailangan at kagustuhan. Para makapili ng mabuti, siguraduhing bisitahin ang mga centres na iyong kinokonsidera, at magtanong sa mga educators ukol sa pag-aalaga sa iyong anak, sa mga programa at polisiya nila.
BASAHIN DIN