Key Points
- Australia ang ika-lima sa pinaka malaking exporter ng wine sa mundo. May higit 160 na klase ng ubas sa Australia na nakatanim sa malalawak na rehiyon sa mga estado.
- Isang Filipino-Australian sommelier ang nakapagtayo na ng sariling wine company sa New South Wales na naghahatid ng mga Australian Wine sa Pilipinas at mga inuming may Pinoy flavors pabalik sa Australia.
- Noong ika-15 ng Oktubre, sa pakikipagtulungan ng Filipino Food Movement Australia, isinagawa nila ang pagpapares ng mga paboritong pagkaing pinoy tulad ng sinigang na hipon, laing, lumpia at daing na bangus sa iba’t ibang klaseng wine.
Maraming kultura sa Australia ang unti-unting niyayakap ng mga Pilipino na kinikilala ito bilang ikalawang tahanan. Isa na dito ang pag-inom ng wine.
Kung sa Pilipinas ay itinuturing na sosyal at pang-mayaman lang ang inuming ito, dito sa Australia, bahagi ang wine ng mga okasyon, event, picnic at simpleng salu-salo.
Sa New South Wales, ang Hunter Region ang isa sa pinaka kilalang lugar ng mga turista para sa mga wine tasting tours.
Dito napiling manirahan ng Filipino-Australian sommelier o isang bihasa sa wine na si Siegfrid Bacani.

Siegfrid Gueco Bacani
Nang magkaroon kasanayan sa industriya ng paggawa ng wine, itinayo ni Siegfrid ang 7000 Islands Wine Company noong 2019 para sa mga Filipino-Australian.

Hindi lang basta Australian wine mula Hunter Valley ang nais nyang maipakilalang produkto dahil dinadala naman nya sa Australia ang mga Filipino flavored na alak mula Pilipinas tulad ng lambanog at ube flavored liqueur.
Layunin ni Siegfrid na maging bahagi rin ng hapag kainan ng mga Pinoy ang wine. Kaya para maipaunawa ang nilalaman ng inumin, nakasulat sa wikang Tagalog ang label at paglalarawan ng laman ng bawat bote.

Australia's 1st Filipino Food x Wine Pairing
Nasorpresa si Consul Emmanuel Guzman ng Philippine Consulate General ng Sydney na dumalo sa event sa mga kakaibang pares ng pagkain at inumin.
Ganun din ang food vlogger na si Raf De Leon. Aniya, hindi nya akalaing sasakto sa kanyang panlasa ang asim ng sinigang at chardonnay na isang klase ng white wine.

Ikinatuwa naman ng FFMA founder na si Anna Manlulo ang pagkakataon na masubukan ng mga Filipino-Australian ang food and wine pairing event na nagpa-angat sa potensyal ng mga pagkaing Pilipino.
Sa ngayon, patuloy ang paghikayat ni Siegfrid sa mga Pilipino na huwag matakot subukan ang iba’t ibang inumin na maaring ipares sa Filipino food. Bukas din sya sa pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa Australian wine