Presyo ng kuryente inaasahang tataas pa pero ano nga ba ang maaaring gawin ng gobyerno para mapababa ito?

Tinatayang tataas ang presyo ng kuryente ng 50 porsyento sa loob ng dalawang taon. At dahil dito, nahaharap sa matinding pressure ang gobyernong Albanese na aksyunan ito. Pero ano nga ba ang pwedeng gawin ng gobyerno para mapababa ito?

An electricity bill

Electricity prices are forecast to increase by 50 per cent over two years. Source: AAP / David Mariuz

What the government can do to bring down power prices
  • Tinatayang tataas ng 50 porsyento ang presyo ng kuryente sa loob ng dalawang taon
  • Walang ipinangakong ayuda ang gobyerno para tulungan ang sambayanan, pero ayon sa mga eksperto may ilang hakbang pa na pwedeng gawin
Wala pang direktang tugon ang pamahalaan para pababain ang presyo ng kuryente - sa kabila ng inaasahang pagtaas ng presyo nito ng 50 porsyento - pero nagpahiwatig ang gobyernong Albanese na tinitignan nito ang 'ilang hakbang sa regulasyon'.

Batay sa inilabas na budget noong Martes, inaasahang tataas ang presyo kuryente ng 20 porsyento ngayong 2022-23, at dagdag na 30 porsyento sa susunod na financial year. Maaari ding tumaas ang presyo ng gas ng 20 porsyento sa 2022-23 at 2023-24.

Ibig sabihin nito, tataas pa ang presyo ng kuryente ng humigit-kumukang 50 porsyento sa loob ng dalawang taon, at tataas naman ang presyo ng gas ng humigit-kumulang 40 porsyento.

Nilinaw ni Treasurer Jim Chalmers na kasama dito ang pagtaas ng presyo simula pa noong Hunyo 30.

Dinepensahan din nito ang desisyon ng gobyerno na hindi magbigay ng direktang pinansyal na ayuda para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng kuryente. Aniya, "marami pang dapat gawin sa pagpapatupad ng mga regulasyon."

Kaya naman ang tanong ng bayan, ano nga ba ang pwedeng gawin ng gobyerno para mapababa pa ang presyo ng kuryente?
A man wearing a suit and tie
Treasurer Jim Chalmers says the government is looking at "regulatory" measures to try and bring power prices down. Source: AAP / MICK TSIKAS

Bakit hindi na lang mamigay ng pinansyal na ayuda ang gobyerno?

Nasanay na ang mga Australyano sa tugon ng gobyerno para maibsan ang epekto ng pagtaas ng cost of living o pang-araw-araw na gastusin - isang halimbawa nito ay ang pagtatapyas ng fuel excise tax para mapapababa ang presyo ng produktong petrolyo.

Pero ayon sa independyenteng ekonomista na si Chris Richardson, may problema din sa ganitong aksyon ng gobyerno. Kung bibigyan lamang ng pera ang mga tao, mas tataas ang kakayahan ng mga taong gumastos, na siyang magtutulak lamang na tumaas pa ang presyo at makakapagpalala pa ng inflation.

Sa panayam ni G Chalmers sa ABC radio kaugnay sa pagbibigay ng pinansyal na ayuda para matugunan ang pagtaas ng presyo ng kuryente, sinabi nito noong Huwebes na: "Layunin namin na maibsan ang epekto ng cost of living sa paraang hindi makakapagpalala ng inflation sa bansa."

At ayon naman sa Pamahalaang Albanese, makakatulong na mapababa pa ang presyo ng kuryente ang pamumuhunan ng gobyerno sa renewable energy pero dagdag nito, hindi agaran ang magiging epekto nito.

Ano pa ang mga pwedeng gawin para mapababa ang presyo ng kuryente?

Malaki ang itinaas ng mga presyo ng langis, gas at karbon sa buong mundo bunsod ng alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ilang kumpanya sa east coast ng Australia ay nagpapadala ng maraming gas sa ibang bansa kung saan naibebenta nila ito sa mas mataas na presyo.

At ayon kay G Richardson, ang pagbaba ng presyo ng gas ang susi para maibaba ang presyo ng kuryente.
An LNG plant
Australia sends a lot of gas overseas where it is sold for high prices.
Nakakatulong ang gas sa pagsusuply ng network ng kuryente, kasama din dito ang coal, hydro, wind at solar. Pero dahil kadalasan ito ang pinakahuling pinagkukunan para matugunan ang demand, ito rin ang pinakamahal. At dahil dito, nagtutulak pa ito na tumaas pa ang kabuuang presyo ng kuryente.

Inanunsyo ng gobyernong Albanese na nalagdaan na ang bagong kasunduan sa mga kumpaya ng gas sa silangang baybayin ng bansa para masigurong may sapat na supply ang bansa at mananatiling 'competitive' umano ang presyo nito sa bansa.

Pero dahil sa pagtaas ng presyo ng gas sa ibang bansa, tumitindi ngayon ang pressure na pababain pa ang presyo nito.

Paglalagay ng price cap

Iminungkahi ng grupong Greens na dapat tignan ng gobyerno ang paglalagay ng cap sa presyo ng kuryente. Bagay na sinang-ayunan din ni G Richardson.

"Bilang ekonomista, hindi ito ang agaran kong susuportahan, pero sa kasalukuyang sitwasyon, nararapat gawin ito," aniya.

Kabilang dito ang paglalagay ng limit sa presyo ng gas na ibinebenta sa Australia. Dagdag pa ni G Richardson, may kasalukuyang problema sa merkado at ang mga kasalukuyang patakaran ay nagtutulak lamang sa ilang operator na pagsamantalahan ito.

"Ang paglalagay ng price cap ang pinakasimple at direktang paraan para makamit ang nais nating mangyari sa ngayon."

A man in a suit gesturing with his hands
Economist Chris Richardson says a price cap is the simplest way to bring down gas prices. Source: AAP

"[Ito] ang mas mainam na solusyon para tugunan ng gobyerno ang pagtaas na presyo ng gas, kumpara sa pagbibigay ng subsidiya sa mga consumer - na maaaring makapagpalala lang ng inflation. Makakabawas ito sa epekto ng inflation."

Bwelta naman ng energy program director ng Grattan Institute na si Tony Wood, ang paglalagay ng price cap ay may kaakibat ding problema dahil dumadaan ito sa confidential commercial contracts sa pagitan ng mga producer at kanilang customer.

"Mahirap sa gobyerno na manghimasok nang diretsehan sa merkado," aniya.

Isa pang opsyon ay ang pagpapaloy ng Heads of Agreement sa pagitan ng gobyerno at mga nagsusupply ng gas.

Ayon kay G Wood, medyo malabo ang kasunduan kaugnay sa pagtukoy ng presyo ng gas at ng international spot price, na malaki na din ang itinaas. Aniya, maaaring amyendahan ito ng gobyerno at magtakda ng presyo, na magbibigay daan sa ilang kumpanya na magkaroon ng patas na kita.
A ship transporting gas
Gas sent overseas is sold at a high price, and has made gas in Australia also more expensive.
"Tiyak na tinitignan ng gobyerno ang lahat ng posibilidad at inuunawa nito ang mga pwedeng kahinatnan ng bawat desisyon nito," ani G Wood.

"Hindi ito simpleng tugon pero kinakailangan ito ng agarang aksyon dahil sa ngayon, marami ng consumer [tulad ng commercial industrial consumers] ang umaaray sa taas ng presyo ng gas."

At aminado din ang gobyerno na kumplikado ang sitwasyon sa ngayon, at kinakailangang bigyan ng pansin ang regulasyon at kinakailangan ding makialam ang gobyerno sa iba pang mga gawain.

"Nasa kapangyarihan ng mga estado ang malaking bahagi ng pagpapatupad ng mga regulasyon," pahayag ni G Chalmers sa mga reporter sa Press Club noong Miyerkules.

Pwede din ba gamitin ang windfall tax?

Iminungkahi din ng Australia Institute ang posibilidad na pagpapakilala ng windfall tax para matanggal ang insentibo para sa mga prodyuser ng gas na nagbebenta sa ibang bansa.
Ang windfall tax ay may mas mataas na antas ng buwis na ipinapataw sa kanilang kita na hindi nila inaasahan.

"Karamihan sa mga LNG companies ay maliit na lamang ang binabayarang income tax at halos nakukuha na nila ang gas ng libre dahil hindi na nila kinakailangan magbayad ng royalty," ani Richard Dennis, executive director ng Australia Institute.

Pero hindi lahat ay sang-ayon na kinakailangang gawin ito. Iginiit ni G Richardson na meron ng windfall tax asaayon - na tinatawag na petroleum resource rent tax o PRRT - na hindi umano epektibo sa ngayon.

Ayon sa Australia Institute, ang mga butas sa pagpapatupad ng PRRT ay mangangahulugan na magtutulak ito sa mga kumpanya na hindi na magbayad ng tax sa kabila ng malakihang kita sa gas na hanggang $40 bilyong dolyar. Lalo na't inaasahang tataas pa di bababa sa $1 bilyong dolyar ang PRRT revenue ng mga kumpanya sa taong 2022-23.

"Hindi naman yata tama na magdagdag ng buwis sa kasalukuyang buwis na hindi na epektibo sa ngayon," dagdag ni G Richardson.

Aniya, mas mainam na diskarte ang pagsasaayos ng kasalukuyang PRRT tax.

"Suportado ko ang ganitong paraan," aniya.
Dati nang isinantabi ng gobyernong Albanese ang pagpapatupad ng windfall tax pero ayon sa Tresurero na si Jim Chalmers, sinimulan na ang inquiry sa pagpapataw ng buwis sa gas noong nakaraang administrasyon, sa ilalim ng pamumuno ng dating treasurer na si Josh Frydenberg, ngunit pansamantala itong naantala dahil sa COVID-19.

"Pakikinggan ko ang abiso mula sa Treasury habang tinatapos nila ang ilang mga gawain kaugnay dito, ani G Chalmers.

Aniya ang pagtataas ng PRRT ay hindi prayoridad ng gobyerno, sa halip mas nais nila tutukan ang presyo at code of conduct kaugnay dito.

"Ang aming intensyon at prayoridad ay nakatutok sa pagpapabuti ng mga dati nang nagawa sa sinimulan ng [Resources Minister Madeleine] sa supply at kailangan din tutukan ang presyo at code of conduct ng mga prodyuser at supplier ng gas sa merkado."

Share
Published 31 October 2022 12:38pm
By Charis Chang
Presented by Roda Masinag
Source: SBS


Share this with family and friends