Pakinggan ang ulat:

Pag-aaral ng nursing at midwifery, gagawing libre sa estado ng Victoria
SBS Filipino
05:24
Higit 10,000 nurse at midwife ang makikinabang sa libreng kurso sa unibersidad para matugunan ang problema sa kakulangan ng staff sa Victoria.
Layon ng gobyerno ng Victoria na mahikayat at mabigyan ng libreng training ang libu-libong nurses, na bahagi ng $270 milyong package na inanunsyo noong Linggo.
Ipapatupad ang programa sa loob ng limang taon, kung saan lahat ng estudyanteng nandito sa bansa ay maaaring makapag-enrol sa professional-entry nursing at midwifery course sa taong 2023 hanggang 2024.
Makakakuha din sila ng scholarship na nagkakahalagang $16,500 para matustusan ang kanilang mga bayarin sa mga nasabing kurso.
Makakatanggap ang mga estudyante ng $9,000 para sa tatlong taong undergraduate study sa mga nasabing kurso. Habang ang nalalabing $7,500 naman ay ibibigay sakaling magtrabaho sila sa Victorian publich health services ng dalawang taon.
"Babayaran ng gobyerno ang kanilang HECS debt," yan ang pahayag ni Premier Daniel Andrews sa Australian Nursing and Midwifery Federation (ANMF) sa Melbourne.
Mamimigay din ng scholarships na nagkakahalagang $10,000 sa mga libo-libong postgraduate nurses na kukumpletuhin ang pag-aaral sa mga specialist areas gaya ng intensive care, emergency, paediatrics and cancer care.
Iba pang kasama sa programa:
- $11,000 scholarships para sa enrolled nurses na maging registered nurses kung saan iko-cover din ang mga gastos
- $12,000 scholarships para sa 100 na bagong nurse practitioners sa acute at community settings
- $20 million dollars naman ay nakalaan para tulungan ang dumadaming bilang ng graduates at postgraduates na magta-transisyon ng pagtatrabaho sa mga ospital
Ayon kay G. Andrews, ilang buwan nang tinututukan ng gobyerno ang nasabing programa, para matugunan ang matinding pressure na hinaharap ng mga ospital para malabanan ang COVID-19.
Sinabi naman ni Opposition health spokeswoman Georgie Crozier na may katapat silang commitment dito na ilalabas sa papalapit na state election sa Nobyembre.
"May walong taon si Daniel Andrews para gawan ito ng paraan pero nabigo naman syang pagtuunan ito ng pansin."
Giit pa ni Crozier, "nauubusan na ng ideya ang gobyerno, at tila huli na ang lahat para sa mga ganitong inisyatibo."
Ikinalugod naman ni State Secretary of the Australian Nursing and Midwifery Federation Lisa Fitzpatrick ang nasabing anunsyo ng Victorian government bagaman may pangamba sa pangako ng oposisyon na tatapatan ito.
Naniniwala si Fitzpatrick na ang 270 million na programa ay magbubunsod ng dagdag na mga staff na magreresulta sa flexible work arrangements sa mga nurse.
"Nababahala ako na baka sabihin lang nila na hindi nila alam ang detalye ng commitment," aniya.
Ang usapin sa health system ay malaking isyu sa paparating na halalan sa estado ng Victoria.
Malaking bagay ito sa mga kababayan natin lalo na ang mga Pinoy ay isa sa malaking bilang ng nga nurses sa Australia.
Nangako ang oposisyon na ipagpaliban ang multibilyong dolyar na Suburban Rail Loop ng pamahalaan upang i-redirect ang pagpopondo sa pagtatayo at pag-upgrade ng mga ospital sa Melbourne at rehiyonal na Victoria.