Medicare vs private health cover para sa pagbubuntis

Sapat na ba ang Medicare kapag ika'y buntis? O mas mainam ba na kumuha ka na rin ng private health insurance?

Pregnant

Can you rely solely on Medicare during pregnancy? Or should you also be covered by private insurance? Source: Natasha Ramirez

73 na porysento ng mga kababaihan sa Australya ang umaasa sa Medicare kapag nabuntis sila, samantalang 27 na porsyento ang kumukuha pa rin ng private health insurance.

Ano sa dalawang opsyon ang dapat mong piliin?

Medicare lang

Noong bagong salta sa Australya ang ngayong-Sydneysider na si Natasha Ramirez, nagtabi sila ng kanyang partner na si Keith ng pera kung sakali siya'y mabuntis. Ginusto nilang maghanda, at hindi nila kabisado ang sistema ng healthcare sa Australya. Pero ang hindi nila napaghandaan ay buntis na pala ng pitong buwan si Ms Ramirez at hindi niya ito alam. 

“Hindi ko po alam,” saad niya, “Kasi irregular po ako saka hindi lumaki ang tiyan ko.”

Dahil sumama ang pakiramdam niya, nagpunta ng doktor si Ms Ramirez at na-misdiagnose siyang may tumour dahil sa di-pangkaraniwang na hormone levels niya sa kanyang pituitary gland. Ngunit, dahil sa isang urine test, nakumpirma na nagdadalang-tao pala siya.

Nang nalaman niya na buntis pala siya, umasa siya sa Medicare para sa kanyang mga prenatal checkup at eksamen, at para sa kanyang pangangananak sa panganay niyang si Jessica. Ginamit uli niya ang Medicare ng pangalawang beses niyang mabuntis - sa kambal niyang sina Zion at Zian.
De Leon kids
Ate Jessica with Zion and Zian. Source: Natasha Ramirez
Saad ni Ms Ramirez na malayo sa ideya ng mga Pilipino ukol sa pampublikong ospital ang public healthcare ng Australya. Ayon sa kanya, ang mga pampublikong ospital sa Australya ay "first class" at mas maganda pa kaysa sa ibang pribadong ospital sa Pilipinas.
De Leon family
Two pregnancies. Three babies. Source: Natasha Ramirez
Ito ang ilan sa mga dapat mong malaman kung aasa ka lamang sa Medicare para sa iyong pagbubuntis:

1. Walang out-of-pocket costs 

May access ang mga residente at mamamayan ng Australya sa Medicare. Kung ninanais mong umasa lang sa Medicare para sa iyong pagbubuntis, wala kang babayaran - maliban na lang sa mga eskamen na hindi mandatory gaya ng screening para sa Down syndrome.

2. Malapit ang ospital kung saan ka nakatira

Isang downside ng pampubliko na sistema ay ang tinaguriang zone catchment areas. Ibig sabihin nito na hindi ka makakapili ng ospital para sa iyong pagbubuntis at panganganak. Nakadepende ang ospital mo kung saan ka nakatira. Kahit limitado ang opsyon mo, ibig sabihin din nito na malapit at madaling puntahan ang ospital mula sa iyong tirahan.

Saad ni Ms Ramirez shares, "Sa una ko po, sa Auburn lang po kasi five minutes lang away sa amin. Yung sa twins ko po, ang prenatals ko po laging dyan."

Ngunit ayon din sa kanya, dahil high risk ang kanyang pagbubuntis sa kambal, dinala siya sa mas-specialised na Westmead Hospital noong siya'y manganganak na.

3. Hindi ka makakapili ng doktor

Kung hindi ka naman mabusisi pagdating sa pagkakaroon ng iisang doktor, maari kang umasa na lamang sa Medicare.

Ayon kay Ms Ramirez, paiba-iba ang mga doktor na tumingin sa kanya noong siya'y buntis.

"Wala akong nakilalang doktor," saad niya ng ikinwento niya na walo ang mga doktor noong siya'y manganak sa kambal. Ni isa sa mga doktor hindi niya kilala o maalala.

4. May kasama kang iba sa kwarto

Para sa mga di-kumplikado ang panganganak, kadalasan ay may kasama sila sa kwarto. Minsan, kapag maraming nanganganak sa panahong ika'y nasa ospital, maaring may tatlo o apat kang kasama sa kwarto.

Kadalasan, nakakabisita lang ang pamilya mo kapag visiting hours. 

Dahil kumplikado ang mga pagbubuntis ni Ms Ramirez, lagi siyang may sariling kwarto. Pinayagan ding manatili ang pamilya niya sa kanyang kwarto noong tatlong araw siyang nasa ospital.

5. Mas matagal na paghihintay

Dahil mas maraming mga nanay na umaasa sa Medicare at nanganganak sa pampublikong ospital, mas matagal ang paghihintay para sa mga checkup at eksamen.

Saad ni Ms Ramirez na kinakailangan mong magpa-appointment at and iskedyul mo ay nakabase sa oras na libre ang mga doktor at midwives. Kapag naka-book ka ng appointment, kadalasan ay maghihintay ka ng mahigit isang oras para sa checkup o eksamen mo.

Private healthcare

Parang tila ang daming nangyari sa buhay ni Maita de Luna sa loob ng tatlong taon. Lumipat siya sa Australya noong 2015. Noong 2016, nag-asawa sila ng kanyang asawa na si Paulo at nabuntis siya. Noong 2015, ipinanganak ang kanilang anak na si Mateo.
Maita and Mateo
Maita de Luna holds her newborn son, Mateo, for the first time. Source: Maita de Luna
“[I had] a natural birth, without anaesthesia,” saad niya, “I had no birth plan...come what may lang...when I was asking for the epidural, the midwife said that it was the last option. As much as possible, they preferred a natural birth. So that's what I did.”

Pinili niyang gumamit na lamang ng laughing gas, at ayon sa kanya, "Wala eh, kailangan ko kayanin."

Pinaghandaan ni Ms de Luna ang sakit, at pinaghandaan din niya ang kanilang healthcare coverage. Sa kasalukuyan, work visa ang hawak niya at hinihintay nilang mag-anak ang kanilang permanent residency. Dahil hindi pa siya residente, walang access ang mag-anak sa Medicare at kinailangan niyang kumuha ng private insurance para sa kanyang basic healthcare needs, pagbubuntis at panganganak.
De Luna Family
Two become three. Source: Maita de Luna
Ito ang ilan sa mga dapat mong malaman kung kukuha ka ng private health insurance para sa iyong pagbubuntis:

1. Maari kang mamili ng ospital (ngunit maaring limitado ang mga opsyon mo)

Nakadepende sa provider at coverage mo ang mga ospital na maari mong pagpilian. Maari kang mamili ng pampubliko o pribadong ospital.

Kahit maaring magpuntang pribadong ospital si Ms de Luna, pinili niyang manganak sa Sandringham Hospital, isang pampublikong ospital sa Melbourne na may ugnayan sa Alfred Hospital.

"Ni-recommend kasi sa akin ang Sandringham," aniya, "Kasi alam ko pag private, doctors lang [ang magpapaanak sa'yo]. Sabi sa akin ng doctor ko at ng mga tao sa office, it's highly recommended na midwife [na nandun] kapag nanganak ka because they really take care of you...kaya I chose Sandringham." 

2. Maaring mapunta ka pa rin sa pampublikong ospital kung pribadong ospital ang pinili mo

Madalas, mas maliit at less-equipped ang mga pribadong ospital kumpara sa mga pampublikong ospital,

Kung kinakailangan mo o ng anak mo ng intensive at specialised na pag-aalaga, maaring ilipat kayong dalawa sa pampublikong ospital.

At di kagaya ng mga pampublikong ospital na halo laging may staff on-site o on-call, ang mga anesthesiologists at doktor sa mga pribadong ospital ay kinakailangan pang tawagan upang pumunta ng ospital.

3. Makakapili ka ng doktor

Sa ilalim ng kanyang polisiya, nakapili si Ms de Luna ng obstetrician para sa kabuuan ng kanyang pagbubuntis.

Itong benepisyo na ito ang isa sa pinakamagandang aspeto ng private insurance. Dahil iisa lang ang doktor na titingin sa iyo, mas magiging pamilyar ka sa kanya at magiging pamilyar din siya sa iyong medical history at kondisyon.

4. Maaring mag-isa ka lang sa kwarto

Kung nakasaad sa polisiya mo ito, maari kang magkaroon ng sarili mong kwarto ng walang ibang kasama.

5. Eligibility at presyo

Ang dalawang pinakamahalagang aspeto ng private health insurance na kailangan mong alalahanin ay ang eligibility at presyo ng polisiya.

Upang mabigyan ng coverage ng insurance para sa iyong pagbubuntis, kailangan mayroon ka na nito 12 na buwan bago ka mabuntis.

Ang halaga ng coverage mo ay nakadepende sa polisiya mo. Kadalasan, hindi kasama sa basic coverage ang konsultasyon sa mga spesyalista, checkup at iba pang hospital fees, at mga appointment sa paediatrician.

Buti na lang at nakakuha ng private insurance si Ms de Luna noong 2015, kaya eligible siya para sa coverage noong siya'y nabuntis.

Pinili niya ang basic coverage dahil ito ang pinakamura sa lahat ng polisiya, kaya in-hospital fees lang ang kasama dito. Saad ni Ms de Luna na inabot siya ng mga $5000 para sa kanyang mga prenatal checkup at eksaminasyon. 

 

Iba-iba ang bawat ina at ang bawat pagbubuntis. May mga pagbubuntis na madali, habang ang iba naman ay may mga komplikasyon. May mga panganganak na mabilis at ginagamitan ng epidural, habang ang iba naman ay matagal at masakit.

Sa huli, ang pagpili sa pagitan ng private insurance at public healthcare ay nakabase sa bawat indibiwal na ina at bata, at sa makakabuti sa kanila. 

 

ALSO READ

Share
Published 28 September 2018 8:11am
Updated 28 September 2018 8:17am
By Nikki Alfonso-Gregorio


Share this with family and friends