Simula Biyernes, Setyembre 9, hindi na kailangang magsuot ng mask sa international flights, pero inaabisuhan pa rin ang mga pasahero na magsuot ng mask para sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Federal Health Minister Mark Butler, ang pagbabago ay inendorso ng chief medical officer.
"Hinihikayat ko ang lahat ng babyahe sa ibang bansa na huwag ipagsawalang bahala ang panganib na dala ng COVID-19 at maging maingat pa rin para manatiling ligtas sa sakit at mahinto ang pagkalat ng virus, " aniya.
Hindi na rin kailangang magsuot ng mask sa mga domestic flights batay sa naunang abiso na ipapatupad din simula Biyernes.
May pagbabago rin sa Pandemic Leave Disaster Payment at kasama na dito ang minimum isolation period bago mag-apply.
Simula ngayong Sabado, hindi na maglalabas ang mga estado at teritoryo ng mga bilang ng mga bagong kaso, mga naospital at namatay dahil sa COVID-19 kada araw.
Sa halip, gagawin na lamang lingguhan ang paglalabas ng mga ulat.
Sa nakalipas na dalawang taon, naglalabas ng mga datos ang departamento ng kalusugan sa buong bansa.
Pero sa pahayag ni ACT Health Minister Rachel Stephen-Smith, sinabi nito na "nalampasan na natin ang winter wave ng COVID-19 at umabot na tayo sa panahon na hindi ganoon kahalaga ang paglalabas ng report kada araw."
Suportado din ang desisyon ng ibang opisyal, ayon kay G Butler.
"Ang mga bagong hakbang ay suportado ng iba pang opisyal sa pangkalusugan at titiyakin din namin na mataas ang kalidad at tama ang mga impormasyong aming ihahatid para mabigyang linaw ang mga pangyayari kaugnay sa COVID-19."
"Ang pamamaraang ito ay alinsunod pa rin sa mga patakaran ng mga estado at teritoryo at maaayon sa pagsusuri ng mga pangayayaring may kinalaman sa COVID-19 sa buong bansa at sa buong mundo."
Noong nakaraang linggo, binawasan na ang mandato na pitong araw na isolation period at ginawa na lamang itong limang araw.
Nangyari ito matapos ang isinagawang pagpupulong ng Pambansang Gabinete sa pagitan ni Punong Ministro Anthony Albenese at mga lider ng estado at teritoryo.

Prime Minister Anthony Albanese. Source: AAP / Dan Himbrechts
Ipapatupad din ang mas maiksing isolation period simula ngayong Biyernes, kung saan maaari nang lumabas limang araw matapos magpositibo sa COVID-19 basta't walang nararamdamang sintomas.
Pero para sa mga nagtatabraho sa high-risk settings katulad ng aged at disability care, kinakailangan pa rin mag-isolate ng pitong araw.
"Batay sa mga ebidensya, ito ang nararapat na tugon, sa puntong ito ngayong may pandemya," sinabi ni G Albanese sa mga reporter sa Sydney.
"Nais namin tiyakin na nararapat ang tugon ng gobyerno sa mga bagong pangyayari kaugnay sa COVID-19 at kung paano bibigyang pansin ng gobyerno ang iba pang pangangailangan habang nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa ."